Welcome umano sa Bureau of Immigration (BI) ang panukalang paggamit ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) passport para sa mga international travelers.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, ang naturang panukala ay magpapabilis sa pag-proseso ng mga pasahero sa mga paliparan at mapabilis ang muling pagbangon ng turismo at travel industry sa bansa.

Dagdag ni Morente, ang pagbuo ng global COVID-19 passport na ayon sa Department of Tourism (DoT) ay makakatulong sa pagpasok ng mas maraming turista sa bansa at mapapadali ang entry procedures.

Una rito, ipinanukala ng International Air Transport Association (IATA) ang kanilang planong maglunsad ng IATA travel pass.

Ito raw ay global at standardized solution para ma-validate at ma-authenticate ang mga country regulations para sa COVID-19 passenger travel requirements.

Paliwanag ng IATA, layon ng naturang proyekto na bumuo ng digital system na puwedeng ma-access ng mga pasahero para i-verify na ang kanilang covid test o vaccination ay pasado sa COVID-19 travel regulations.

“The importance of this proposed COVID-19 passport cannot be underestimated when our country fully reopens its borders to all international travelers,” wika Morente

Samantala, aminado ang opisyal na ang kasalukuyang procedures na nire-require ang mga international travelers na sumailalim sa covid test ay posibleng maging problema ng BI sa hinaharap lalo na ngayong nagbubukas na ulit ang bansa sa mga borders para sa mga banyaga lalo na ang mga turista.

Paliwanag niya, ang inaasahan daw na pagbuhos ng mas maraming international travelers ay posibleng magresulta sa mas mahahabang pila at pagsisiksikan sa mga immigration counters dahil kailangan nilang ma-covid test bago tuluyang makapasok sa bansa kapag negatibo ang mga ito sa nakamamatay na sakit.

“The anticipated influx of more international travelers could result in longer queues and overcrowding in our immigration counters as all of these passengers should be tested at the airport before they are allowed to enter the country,” ani Morente.