Welcome umano sa Bureau of Immigration (BI) ang pag-isyu ni Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na nagbibigay ng mandato sa pagpapatupad ng advanced passenger information (API) system.

Ito ay para mapatibay pa ang border control at mapigilan ang pagpasok ng mga terorista at iba pang undesirable aliens sa iba’t ibang international ports of entry sa buong bansa.

Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na sa pamamagitan ng API project ay siguradong magpapalakas na ang pagbabantay sa mga borders dahil magkakaroon na raw ng layers ng protection sa mga foreigners na mayroon nang criminal at derogatory records mula sa kanilang ports of origin.

“This EO will surely secure our country from fugitives, terrorists, transnational criminals as well as other undesirable aliens attempting to slip into our country. We are thankful to President Duterte for his continuous support, as this is a big step in improving the Bureau’s systems,” wika ni Morente.

Sa ilalim ng EO 122, ang API ay isang electronic transmission ng mga impormasyon mula sa mga captain, master o agent, maging ang mga nagmamay-ari ng mga commercial carrier sa Bureau of Immigration (BI) bago ang pagdating o pag-alis ng mga pasahero sa ano mang port of entry ng bansa.

Kabilang sa mga impormasyon na makukuha ang flight details, pangalan, petsa ng kapanganakan, gender, citizenship at travel document data ng mga individual passenger o crew/non-crew members.

sa pamamagitan ng API magkakaroon na ng pagkakataon ang BI na magsagawa ng advance security vetting ng mga international travelers.

Dagdag ni Morente, ang bagong scheme ay makakatulong din para ma-decongest ang mga airports at mapapadali ang pagsasagawa ng immigration formalities sa travelers dahil ang derogatory checking ng mga inbound passengers ay isasagawa na sa ports of origin.

At kung mayroon mang derogatory records ang mga pasahero ay hindi na sila papayagan ng mga airline companies na makasakay sa kanilang flights.

Sa pamamagitan din umano ng bagong direktiba ay magkakaroon sila ng pagkakataon na ma-monitor ang galaw ng mga suspected illegal syndicate members na subjects din ng alert lists ng international intelligence agencies.

 Bilang pagsunod naman sa EO, bubuo naman ang BI ng kanilang technical working group na kinabibilangan ng mga representatives mula sa iba’t ibang government agencies at private sector na siyang magda-draft sa implementing rules and regulations (IRR) ng API.

 “We are required to finish the IRR within 60 days so we have to convene this technical working group as soon as possible,” saad ni Atty. Candy Tan, BI Port Operations Division Chief.

Lumalabas na ang naturang sistema ay ginagamit na rin sa mga advanced countries gaya ng Australia, Canada at United States.