Binabalaan ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko hinggil sa illegal recruitment scheme kung saan pawang mga dating overseas Filipino workers (OFWs) ang target.

Sa ilalim ng modus na ito, ang dating OFWs na ang visa at kontrata ay napaso na ay binibigyan ng bagong tourist visas para payagan silang iligal na makapagtrabaho bilang mga turista, gamit ang kanilang lumang overseas employment certificates.

Malinaw na paglabag ito sa batas, kung saan ang mga biktima ay pinapangakuang makakaalis sila ng bansa gamit ang kanilang lumang OECs, ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente.

Dahil dito, ang mga nabibiktima sa naturang modus ay napupunta sa ibang employer o mas malala pa ay napapadpad naman sa ibang mga bansa tulad ng Iraq o Syria.

Kamakailan lang, napigilan ng BI ang pag-alis ng bansa ng isang dating OFW na umano’y biktima sa naturang modus.

Ayon sa BI, tinangka ng lalaking biktima na makaalis ng bansa papuntang Dubai noong Abril 5 gamit ang luma nitong OEC.

Subalit natuklasan ng BI Travel Control and Enforcement Unit sa Clark International Airport na ang Dubai work visa nito ay kanselado na.