KORONADAL CITY – Nagsagawa ng buwis buhay na salvaging procedure ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng Makilala, North Cotabato upang marekober at maisalba lamang ang mga importanteng dokumento ng municipal government ng nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bombo Correspondent Larry Geronio, binubuo ng 40 miyembro ng BFP ang nagsasagawa ng salvaging procedure sa nasirang municipal hall ng Makilala at target ng mga itong makuha ang mga dokumentong naiwan sa loob ng munisipyo.

Pumapasok ang mga kasapi ng BFP sa loob ng sirang munisipyo kada limang minuto upang kunin ang mga dokumento at agad na lumalabas din dahil sa posibilidad na gumuho ang gusali lalo na at patuloy pa rin ang mga pagyanig sa lugar.

Sa kada limang minutong interval ay tig 15 mga kasapi ng BFP ang pumapasok upang magsagawa ng salvaging procedure.

Ang munisipyo ng Makilala ang isa sa mga nakapagtala ng matinding pinsala matapos ang tatlong sunod-sunod na malalakas na lindol nitong nakaraang buwan ng Oktubre.