Nagdadalawang isip na sa ngayon ang ilang cabinet members ni Pangulong Rodriog Duterte kung itutuloy pa ba nila o hindi na ang kanilang pagtakbo sa 2022 national elections.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, presidente ng kanyang paksyon sa PDP-Laban, ang mga cabinet members na ito ay sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Transportation Secretary Arthur Tugade.
Nangyari aniya ito matapos na inanunsyo kamakailan ni Pangulong Duterte na binabawi na niya ang kanyang pagtanggap sa nominasyon sa kanya ng PDP-Laban Cusi faction bilang kanilang kanidadto sa pagka-bise presidente.
Ayon kay Cusi, gusto kasi sanang makasama talaga nina Bello at Tugade si Pangulong Duterte sa kanilang pagtakbo sa 2022 polls.
“When the President decided not to run, of course emotions were running…nung nalaman ni Secretary Tugade and Bello ito now they’re assessing whether they’re going to file their candidacy dahil gusto nila kasama nila si Pangulo,” ani Cusi sa isang panayam.
Gayunman, sa ngayon, tuloy na tuloy na aniya ang pagtakbo nina presidential spokesperson Harry Roque, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Public Works and Highways Secretary Mark Villar, at anti-corruption commission chief Greco Belgica sa ilalim ng PDP-Laban Cusi wing.