CAGAYAN DE ORO CITY – Simula ngayong araw, sasalain na ng Northern Mindanao Medical Center (NMMC) ang mga taong papasok sa ospital.

Ito’y matapos mahigpit na binabantayan sa quarantine section ng ospital naka confine ang isang 47 anyos na nagpositibo sa 2019 Corona Virus Disease at apat pang Person Under Investigation na umano’y delikado rin ang kalagayan.

Sinabi ni Dr. Jose Chan, hospital director ng NMMC na nagpatupad na sila ng security protocal kung saang isang watcher per patient lang ang makakapasok at ipinagbabawal muna ang mga dalaw.

Aniya, kabilang ito sa kanilang pre-cautionary measures.

Hinimok naman ni Chan ang publiko na huwag mabahala dahil batay sa data ng World Health Organization, nananatiling mataas ang bilang ng mga tawong gumaling matapos mahawaan ng coronavirus.