IMG 20190823 123353

Dumipensa ngayon ng Supreme Court (SC) sa mga lumulutang na balitang sila ang dahilan para mapalaya si dating Calauan, Laguna MAyor Antonio Sanchez.

Paliwanag ni SC Spokesman Atty. Brian Hosaka, ang isyu umanong tinalakay ng Korte Suprema ay ang ligalidad ng Implementing Rules and Regulation (IRR) ng RA 10592 o ang Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ang naturang batas ay ipinasa ng kongreso noong 2013 na layong paiksiin ang panahaon ng pagkakakulong ng isang Person Deprived of Liberty (PDL) gaya ni Sanchez.

Ang desisyon ng Korte Suprema na inilabas noong June 25, 2019 ay nag-ugat sa tatlong petisyon na kumukuwestiyon sa probisyon ng IRR ng RA 10592 na nagsasabing prospective ang application ng bagong panuntunan sa paggagawad ng GCTA.

Kabilang sa mga petitioner si dating Senador Rene Saguisag at ang grupo ng mga inmate na ang ilan ay kinakatawan ng Free Legal Assistance Group (FLAG).

Pero ayon sa Korte Suprema, dapat itong ipatupad nang retroactive.

Kaya naman, ayon kay Hosaka, inaplay ng hukuman sa pagpapasya sa nasabing kaso ang fundamental doctrine sa criminal law na ang penal laws na paborable para sa mga akusado ay dapat na maging retroactive ang applicatio.

Dagdag ni Hosaka, hindi ang Korte Suprema ang nagpapatupad ng batas na ginawa ng Kongreso dahil sila lamang ang nag-i-interpret sa nilalaman ng batas.