-- Advertisements --

Apat na lalawigan sa bansa ang nananatiling COVID-free, o wala pang naitatalang kaso ng coronavirus disease mula nang pumutok ang outbreak ng sakit, ayon sa Department of Health (DOH).

Kabilang sa mga lalawigang ito ay ang Batanes, Quirino, Aurora at Dinagat Islands.

Paliwanag ng Health department, nakatulong ang pagiging isolated o pagiging isla ng ilan sa nasabing lugar kaya hindi agad napasok ng COVID-19 infection ang mga ito.

Sinasalamin din daw nang pagiging COVID-free ng mga lalawigan ang epektibong hakbang na ginagawa ng kani-kanilang local government units.

“Ang kanilang local governments ay very active in terms of screening people coming from areas with community transmission na pabalik sa kanila,” ani Dr. Beverly Ho, Director IV ng Health Promotion and Communication Services.

“Heightened yung vigilance nila at patuloy ang kanilang pagkampanya to do the minimum health standards sa kanilang mga lugar.”

Nagpaabot ng pagkilala ang DOH sa lokal na pamahalaan ng mga nabanggit na lalawigan dahil sa pagsisikap din nila sa contact tracing at monitoring ng confirmed cases.

“Sana magsilbi silang ehemplo sa ibang LGUs.”

Batay sa case bulletin na inilabas ng Health department ngayong araw, National Capital Region pa rin ang nangunguna sa mga may pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19, sa 971.

Sumunod ang Cebu na may 252 new cases, Zamboanga del Sur na may 53, Negros Occidental na may 35, at Rizal na may 26 na bagong nag-positibo sa sakit.

Umabot na sa 72,269 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.