CENTRAL MINDANAO – Patay on the spot ang isang brgy secretary sa pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Parido Zukalnen, brgy secretary ng Barangay Kalumamis, Guindulungan, Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director Col. Arnold Santiago naglalakad upang dumalo sa flag ceremony ang biktima ngunit pagsapit nito sa tapat ng Tambunan Central Elementary School ay bigla itong pinagbabaril ng hindi kilalang mga suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay sa isang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Guindulungan.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib ang biktima kaya agad itong binawian ng buhay.

Sa ngayon ay blangko pa ang Guindulungan PNP sa motibo sa pagpaslang sa biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.