LEGAZPI CITY РNagpapatuloy ang hot pursuit operation ng mga otoridad laban sa 30 mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nakaengkwentro ng mga sundalo sa Barangay San Antonio, Milagros, Masbate.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Major Ricky Aguilar, chief ng 9th Division Public Affairs Office, Philippine Army, nakatanggap ng report ang kanilang himpilan tungkol sa mga rebelde na nagsasagawa ng training sa nasabing barangay.

Agad naman na naglunsad ng operasyon ang mga otoridad na nauwi sa engkwentro na tumagal ng mahigit isa’t kalahating oras.

Napatay sa palitan ng putok ang mismong kapitan ng barangay na si Wolfert Dalanon alyas Ompong na nabatid na aktibong miyembro umano ng NPA.

Samantala wala namang nasugatan sa panig ng mga sundalo.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang M16 rifle, M653 rifle at carbine rifle habang patuloy ang operasyon ng mga otoridad laban sa mga nakatakas na rebelde.