CEBU CITY – Kinonsidera ng pamilya na isang asong kalye ang nakatulong sa paghahanap ng bangkay ng apo ng mag-asawang Retired Judge Gerwin Gestopa at Louella Gestopa na pawang mga biktima sa nangyaring sunog sa Barangay Centro, Mandaue City noong nakaraang araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Jerson Gestopa ang bunsong anak ng mag-asawa, sinabi nito na humingi sila ng tulong mula sa kanilang mga kapitbahay upang mahagilap ang katawan ni Jeric Gestopa. Ngunit maliban sa kanilang mga kapitbahay, kabilang sa nagbigay ng tulong ang asong kalye na panay ang pagtahol upang mapansin ng mag-anak.

Bigla umano umakyat ang aso sa ikalawang palapag ng nasunog na bahay at doon mas nilakasan nito ang pagtahol nang tinawag na ng isang miyembro ng pamilya ang ngalan ni Jeric. Kaugnay nito, sinundan ng mag anak ang aso at doon nakita ang pinaniwalaang bangkay ni Jeric na dinapuan na ng langaw.

Agad namang humingi ng tulong ang mag anak mula sa otoridad upang makuha ang bangkay at sabay na lalamayan at sabay na maihahatid sa huling hantungan.

Samantala, sinabi ng pamilya Gestoa na kampante na sila sa ngayon matapos makita ang bangkay ni Jeric.