-- Advertisements --

Ngayong nalalapit na ang pagbubukas ng pasukan, nagbabala ang chemicals at waste watchdog na BAN Toxics sa mga mamimili sa nakakalason na kemikal na makikita sa mga school supplies.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Thony Dizon, advocacy & Campaign officer ng BAN toxics, sinabi nito na patuloy nilang minomonitor ang iba’t ibang klase ng mga school items tulad ng mga bag, water container, lapis, at iba pa.

Sinabi pa ni Dizon na sa kanilang isinagawang chemical screening sa halos 150 samples ay lumabas na dalawa sa mga ito ang nagtataglay ng napakataas na lead content na nakita sa backpack at water container.

Batay pa sa World Health Organization, ang pagkakalantad sa lead ay nagdudulot ng malubhang panganib sa kalusugan sa mga bata na maaaring magdulot ng matinding pinsala sa utak at iba pang internal organs.

Ibinahagi pa ni Dizon na karamihan sa mga school supplies na ibinebenta lalo na sa Metro Manila ay kulang sa kumpletong impormasyon ng produkto at mga warning label, na mahalaga para sa kamalayan ng mga mamimili.

Dagdag pa nito na madalas na may mga toxic substance sa mga makukulay na klase ng mga bag, glossy, gawa sa synthetic na plastic, at pagdating sa mga water container ay nakita mismo sa mga pintura.

Tatlong pamamaraan pa umano para ma expose ang mga bata kabilang na ang inhalation, ingestion at dermal contact.

Paliwanag nito na kahit hawak-hawak lamang ito at nakadikit lamang sa balat ay nae-expose pa rin umano ang mga ito sa mapanganib na kemikal.

Kaya naman, nananawagan ito sa mga regulatory agencies tulad ng Department of Trade and Industry (DTI) at Food and Drug Administration (FDA) na agad na magsagawa ng on-site inspection, test-buys at pag-iisyu ng health and safety advisory para matiyak na rehistradong school supplies lamang ang ibinebenta sa merkado.

Hinikayat din nito ang mga mamimili na mahalaga na maging mas mapanuri, kilatising maigi ang school supplies na bibilhin at kung may mapansin na kakaiba sa amoy o kulay ay wag na lamang itong tangkilikin.

“Kung may makita po sila na mag school supplies na hindi rehistrado/hindi notipikado, nananawagan po tayo na i-pullout o alisin sa mga pamilihan ang mga produktong dahil posible po ay nagtataglay ang mga ito ng mga nakalalasong kemikal,” ani Dizon.