CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang magsasaka nang saksakin ito ng kanyang kapitbahay sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Michael Danga, 33 anyos,binata at residente ng Purok Indang Barangay Indangan Makilala North Cotabato.

Ayon sa ulat ng pulisya sa bayan ng Makilala na nagtatalo ang biktima at ang suspek na si Eric Luna Matanggo nang mag-agawan ang dalawa sa trapal sa loob ng evacuation sites.

Dahil sa sobrang galit ni Matanggo ay sinaksak nito ang binata gamit ang kutsilyo at tinamaan sa dibdib.

Mabilis namang tumakas ang suspek nang makita niya ang biktima na naliligo na sa kanyang sariling dugo.

Agad namang binawian ng buhay si Danga at hindi na naisugod sa pagamutan.

Boluntaryo namang sumuko si Matanggo kay Barangay Kagawad Romelito Roluna at dinala sa himpilan ng pulisya.

Ang suspek ay nakapiit na ngayon sa costudial facility ng Makilala PNP at sinampahan na ng kasong pagpatay sa korte.