KALIBO, Aklan—Patay na nang makita ang bangkay ng isang binata makaraang malunod sa baybayin na sakop ng Barangay Pook, Kalibo, Aklan.

Kinilala ang biktima na si Jan Lemuel Paradero, 18, tubong Mindanao at kasalukuyang nagbabakasyon sa Barangay Fulgencio, Balete, Aklan.

Ayon sa search and rescue operation team ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO)-Kalibo at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRMMO)-Aklan, lumutang ang katawan ng binata matapos ang halos 24 na oras na paghahanap sa dagat.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Kalibo PNP, sinagip umano ng biktima ang kanyang 12 anyos na kapatid mula sa pagkakalunod nito dahil naabutan ang mga ito ng high tide sa gitna ng dagat kung saan naroon ang sand bar na kanilang pinuntahan.

Hindi na umano nakaahon pa ang biktima at tuluyan na itong nilamon ng tubig-dagat.