-- ADVERTISEMENT --

BAGUIO CITY – Patuloy ngayong tumatanggap ng pagkilala ang dating Bombo volunteer ng “The Vote 2016” na tumanggap ng best actress award sa  To Farm Indie Film festival sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Maribeth “Mai” Fanglayan, sinabi nito na hanggang ngayon ay hindi ito makapaniwala na siya ang tumanggap sa nasabing parangal dahil bigating mga artista ang kanyang mga nakatunggali na kinabibilangan nina Katrina Halili,Pokwang, at Ina Feleo.

Ayon pa sa 22-anyos na indie film actress mula Baguio City, malaking karangalan sa kanya ang naabot niyang pangarap sa buhay at hindi ito makapaniwala sa resulta ng kompetisyon.

Kwento niya na nagsimula siyang maging artista dahil lamang sa panunuyo ng kanyang kaibigan na makilahok sa audition ng isang Isang Indie Film sa lunsod ng Baguio.

Dahil sa panunuyo ng kanyang kaibigan, nagtagumpay si Maribeth at siya ang napiling gumanap sa nasabing Tanabata’s Wife na isang Indie Film.

-- ADVERTISEMENT --

Gumanap si Maribeth bilang si Fas-ang, 15 taong gulang na siyang Tanabata’s Wife ng isang Japanese farmer na nanirahan sa Benguet ng ilang taon.

Naghahanap ang nasabing magsasaka ng trabahador at doon nakilala si Fas-ang na nagmula sa probinsia sa Mt. Province at nagsama silang dalawa.

Sa totoong buhay, nagmula ang nasabing Japanese Farmer sa Japan at isa siya sa mga theatre actor doon.

Maliban dito, sa nasabing Indie Film gumamit sila ng lengwahe na Hapon, at pananalita na Kankana-ey at Iloko.

Mapapanood sa nasabing pelikula ang kwento ng isang Hapon na si Tanabata na pumunta sa Cordillera para mag-asaka kung saan naging katulong nito ang dalagang si Fas-ang at sila’y umibig sa isa’t-isa hanggang sa sila’y naging mag-asawa at nagkaroon ng anak.

Gayunman, dahil sa pagkakaiba ng kanilang kultura at kagustuhan ay sumama si Fas-ang sa isang lalaki at isinama nito ang anak nila ni Tanabata ngunit sa paglipas ng mga araw ay iniwan ng lalaki si Fas-ang.

Pinapakita rin sa nasabing Indie Film ang magandang kultura at tradisyon ng Cordillera.

Ayon kay Maribeth, malaking karangalan sa kanya ang nasabing award at malaking biyaya mula sa Panginoon dahil naabot niya ang kanyang pangarap.

Pinayuhan din niya ang mga kabataan na huwag mawalan ng pag-asa, sundin kung ano ang nagpapasaya sa kanila at huwag mapagmataas kahit makamit ang pinakamataas na yugto sa buhay.

Sinabi rin niya na kailangang maniwala at magtiwala sa pamilya at sa Diyos dahil sila ang kauna-unahang nagbibigay ng suporta sa isang tao.

Lubos ang kasiyahan ni Maribeth dahil sa narating ng kanyang buhay at sa mga mensahe na natatanggap niya sa kanyang mga kaibigan, kamag-aral at sa ibang mga tao.

Si Maribeth o Mai Fanglayan ay nagtapos ng BA in Communication sa isang unibersidad sa City of Pines pero ang mga magulang nito ay mula sa Mt. Province.