Nag-courtesy call kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang bagong talagang Bureau of Corrections (BuCor) director general na si Gerald Bantag.

Ayon kay Justice Usec. Markk Perete, “initial meeting” ang ginawa nina Guevarra at Bantag sa Department of Justice (DoJ) main office sa Padre Faura sa Maynila.

Nilinaw naman ni Perete na hindi pa nakakapanumpa si Bantag.

Ito ay dahil dapat na kumpletuhin muna ni Bantag ang lahat ng kinakailangang requirements bago maging epektibo ang kanyang designation sa kanyang pwesto.

Hindi naman nagpaunlak ng panayam sa media si Bantag na mabilis ding umalis mula sa tanggapan ng DoJ.

Si Bantag ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong pinuno ng BuCor kapalit ng nasibak na si Nicanor Faeldon.

Ang appointment kay Bantag ay sa gitna ng kontrobersiya sa BuCor gaya ng maagang pagpapalaya sa mga preso sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA) at ang sinasabing GCTA for sale at hospital pass for sale sa NBP.