Hanggang ngayon kalbaryo pa rin daw sa ilang lisensyadong laboratoryo sa bansa na humahawak ng COVID-19 testing ang pagre-report ng resulta sa Department of Health (DOH).
Kaya naman naglunsad ang ahensya ng bagong proseso ng reporting para matuldukan ang late na submission ng mga laboratoryo.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, inatasan na nila ang mga bagong hired na encoders mula sa malalaking laboratoryo na gumamit ng COVID-19 data repository system (CDRS).
“Meron kasi silang Excel file, lahat sila. So, i-aapprove lang nila ‘yung Excel file dito sa CDRS na system. Itong CDRS system, naka-link na siya sa COVID KAYA.”
Ang COVID KAYA ay isang application kung saan automated ang data collection system ng frontliners sa pagsusumite ng COVID-19 case reports.
Aminado si Vergeire na marami pa ring laboratoryo ang hindi nakakasunod sa alas-6:00 ng gabi na deadline ng submission. Ito’y dahil umano sa kulang na encoders ang mga pasilidad.
“Yung ibang mga laboratories, yung kanilang page-encode ginagawa pa ‘yan ng mga personnel na gumagawa ng test so pagdating nitong certain time titigil silang maggawa sa processing ng test, mage-encode na sila.”
Pero sa ilalim ng bagong reporting process, ayon sa opisyal, maaari na lang i-send ng mga laboratoryo ang kanilang report sa pamamagitan ng Excel file na ikakarga sa CDRS.
“Sa tingin namin, it would be better for them. Hindi na kailangan mag-encode. I-upload lang nila ‘yung Excel file nila. Mas mabilis for them,” ani Vergeire.