KAPA JOEL APOLINARIO 2
KAPA founder Pastor Joel Apolinario

BUTUAN CITY – Matagumpay na napasara ng mga tauhan ng Permits and Licensing Division ng Butuan City Hall ang bagong opisina ng Kabus Padatoon o KAPA Community Ministry International Inc. ilalim sa bagong pangalang Special Distribution and Trading Corporation sa may Lower Mandacpan, Brgy. San Vicente nitong lungsod ng Butuan.

Ayon kay Atty. Mose Cahoy, legal officer ng Permits and Licensing Division, ang pagpapasara ay ibinase na sa cease and desist order na nag-uutos sa mga opisyal ng nasabing kompanya na ihinto na ang kanilang operasyon matapos malamang hindi construction services ang kanilang ini-offer kundi investment matapos makumpirma sa ginawang surveillance na nangongolekta ito ng pera mula sa mga tao at nagbibigay din ng ‘sort of payout’.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Rado Butuan, inihayag ni Atty. Cahoy na sa bintana isinagawa ang kanilang mga transaksyon at walang makikitang construction materials sa mismong tanggapan.

Lumabas din sa kanilang imbestigasyon na ang nag-apply ng mayor’s permit na nagpakilalang Ministro Canales ay may ini-attach sa kanilang mga dokumento mula Securities and Exchange Commission (SEC) na hindi sila maaaring tatanggap ng pera gaya sa mga modus ng investment industry na sya nitong sinuway sanhi ng ipinalabas na kautusan.