Naglagay na ang lokal na pamahalaan ng Bacoor City ng mga social distancing enforcers sa mga pampublikong lugar sa buong lungsod para mabantayan nang mabuti ang mga mamimili sa Bacoor City Public Market.
Ito ay bilang hakbang para sa ika-apat na araw ng implementasyon ng “Clustered Palengke Day” sa lungsod kung saan kapansin-ansin ang malaking epekto nito para mabawasan ang bilang ng mga taong nagpupunta sa palengke.
Ayon kay Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla, kinakailangang turuan ang mga Bacooreno ng disiplina kaya napagdesisyunan umano nito na maglagay ng markers sa kalsada kung saan tatayo ang mga mamimili habang nakapila.
Ipinagmalaki rin ng alkalde na hanggang ngayon ay wala pa ring nadadagdag na bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod mulo noong Abril 12. Nagpapakita lamang daw ito na matagumpay ang mga ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan dahil nakikita nilang sumusunod ang mga Bacooreno.
“Successful din ang inilunsad nating mass testing nitong mga nakaraang araw at ipinagdadasal natin na sana ay walang magpositibo dito para magpatuloy ang ating zero new case record sa lungsod,” saad ni Revilla.
Patuloy naman ang panawagan ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Bacoor na manatili sa tahanan ang kanilang nasasakupan.
Kung kinakailangan naman ng mga ito na lumabas ay siguraduhin aniya na dala ang kani-kanilang quarantine pass at siguraduhin na may suot na face mask.
“Gusto nating ipakita na basta sama-sama at tulong-tulong ang pamahalaan at taumbayan mapagtatagumpayan natin ang laban sa Covid-19,” wika ng alkalde.