Reading Time: 1 minute

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Banga Municipal Police Station kaugnay sa brutal na pagpatay sa isang negosyante at engineer sa Prk. Malinong, Barangay Benitez, Banga, South Cotabato.

Napag-alaman na pinasok ng ‘di pa matukoy na mga suspek ang bahay ng 41-anyos na biktimang si Engineer Nidalyn Rendo kung saan pinagsasaksak ito ng ilang beses.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa kapit-bahay ni Engr. Rendon na si Marjolyn Ofred, nakasigaw pa ang biktima ngunit hindi nila alam kung paano ito tutulungan dahil naka-lock ang lahat ng puwedeng daanan ng mga ito kasabay ng pag-amin na natakot din sila.

Nakita pa aniya nito ang suspek na tumalon sa pader ngunit hindi nito namukhaan.

Itinuturong posibleng suspek sa krimen ay ang mga trabahanteng lalaki ni Engr. Rendon sa kaniyang hardware dahil bago pa umano ang krimen ay nagkaroon na ng komprontasyon dahil sa alegasyong pagnanakaw ng mga semento.

Samantala, hiniling ng pamilya ni Engr. Rendon na i-hold muna ang mga lalaking trabahante ng biktima upang maimbestigahan.