Reading Time: 1 minute

CEBU CITY – Patay ang isang lalaki matapos itong barilin ng kanyang kapitbahay nitong Huwebes ng umaga sa Sunshine Valley, Brgy. Quiot, lungsod ng Cebu.

Kinilala ang 40-anyos na biktima na si Vladimir Alatraca alyas “Pilox.”

Ilang oras matapos ang pamamaril, sumuko naman sa otoridad ang 46 anyos na suspek na si Jersam Armecin kung saan sinamahan pa ito ng kanyang abogado.

Una rito noong Biyernes, Hunyo 14, nagkainitan umano ang dalawa dahil sa inupahang parking space.

Mas tumindi pa ang alitan ng dalawa kaya humingi ng tulong ang asawa ni Armecin sa mga opisyales ng kanilang barangay.

Nakatakda na sana silang pupunta sa barangay hall para sa isang pagpupulong nang magkasabay na naman sila sa parking area.

Subalit nang mag-backing na sana si Alatraca sa kanyang puwesto, nakabacking din si Armecin kaya naharangan ang sasakyan ng nauna.

Dahil sa galit, bumaba ang biktima sa kanyang sasakyan at hinamon ang suspek ng suntukan.

Gayunman, walang plano si Armecin sa kanyang alok at sa halip ay kumuha ng armas at binaril si Alatraca dahilan ng pagkamatay nito.

Sumuko naman ang suspek matapos ang pamamaril at nakadetained ngayon sa detention cell ng Labangon Police station.