TUGUEGARAO CITY – Kulong ang isang lalaki matapos niyang patayin at tuluyang ilibing sa bakanteng lote ang kanyang tiyuhin sa Calayan, Cagayan.

Ayon kay P/Capt. Mario Maraggun, hepe ng Calayan-Philippine National Police, natagpuan ang bangkay ng biktimang si Ricardo Calapini, 38-anyos, na nadaganan ng mga bato at natabunan ng mga dayami noong Mayo 30 sa bulubunduking bahagi ng Sitio Cadadagatan, Barangay Naguilian, Camiguin Island, Calayan.

Sa inisyal na pagsusuri sa labi, nagtamo ang biktima ng matinding tama ng palo sa ulo at sa likurang bahagi ng kanyang katawan.

Bago ang krimen, magkasama umano ang biktima at ang 29-anyos na suspek na si Jeffrey Simon na nag-inuman sa bahay ng kanilang kaanak noong hapon ng Mayo 28.

Dito ay naungkat ang dating alitan ng pamilya ng magtiyuhin na siyang tinitingnang motibo ng pagpaslang sa biktima.

Si Simon ay natukoy na siyang responsable sa krimen matapos na isang testigo ang lumutang at nagsumbong sa pulisya.

Nahaharap sa kasong murder ang suspek.