ILOILO CITY – Nagpapatuloy pa ang hot pursuit operation sa suspek na bumaril patay sa isang senior citizen sa Sitio Cubay, Barangay Poblacion, Bingawan, Iloilo.
Ang biktima ay si Efren Blancaflor, 70, habang ang suspek naman ay si Jessie Paren, Jr, 28, pawang residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lieutenant Ryan Christ Inot, hepe ng Bingawan Municipal Police Station, sinabi nito na nag-ugat ang pamamaril matapos nag-away ang apo ng biktima at pamangkin ng suspek.
Ayon kay Inot, kinampihan ng suspek ang kanyang pamangkin at kinampihan rin ng biktima ang kanyang apo.
Matapos nito, binantaan ng suspek ang biktima na papatayin niya ito.
Habang umiihi ang biktima, bigla na lamang siyang binaril ng suspek gamit ang home-made shot gun kung saan nagtamo ini ng sugat sa tagiliran at likod.
Dinala pa ito sa ospital ngunit dineklarang dead on arrival.