Tiniyak ng pamunuan ng Joint Task Force Sulu na hindi sila papayag sa hiling na ransom demand ng mga bandidong Abu Sayyaf group (ASG).

Ayon kay Joint Task Group Sulu commander Col. Cirilito Sobejana, hindi nila sinusuportahan ang pagbabayad ng ransom, dahil lalo lamang makapagpalakas ang ASG at mga kidnap for ransom group.

Ang pahayag ng militar ay kasunod sa lumabas na video kung saan umapela ang bihag na German sa kaniyang mga kamag-anak na ibigay na lamang ang hiling ng bandidong grupo na ransom kapalit ng kalayaan.

Nasa P30 million na ransom ang hiling ng grupo para sa kalayaan ni Jurgen Kanther.

Kapag hindi nagbayad hanggang February 26 ay pupugutan daw siya ng ulo ng kaniyang mga kidnappers.

Si Kanther at ang kaniyang partner na si Sabine Merz ay nakasakay sa isang yate sa may bahagi ng Sabah nang dukutin sila ng mga suspeks.

Narekober ang abandonadong yate sa may bahagi ng Pangutaran Island sa Sulu kung saan nadiskubre ang hubot-hubad na katawan ni Merz’s.

Sa nasabing video nakita ang 70-anyos na si Kanther na nagsasalita na nakaluhod at nakapaligid sa kaniya ang mga armadong bandido.

Patuloy na iginiit ng AFP na mananatili ang polisiya ng pamahalaan na “no ransom policy.”

Sa ngayon nasa 27 mga local at foreign hostages ang hawak ng Abu Sayyaf sa
probinsiya ng Basilan at Sulu.

Samantala, tiniyak ng militar na gagawin nila ang lahat para ma-rescue ang mga bihag.