BAGUIO CITY – Mahigpit na pinabulaanan ng isang alkalde sa Abra ang napaulat na may lumabas na order of arrest laban sa kanya mula sa isang korte sa Quezon City noong May 7, 2019.

Ayon kay Bangued Mayor Dominic Valera, pawang kasinungalingan at paninira lamang ito sa kanya ng nasa kabilang grupo.

Kumalat sa social media ang isang kopya ng order of arrest laban kay Mayor Valera at sa isang pulis na galing umano sa Regional Trial Court – Branch 219 ng Quezon City kung saan ang nakapirma ay pangalang Judge Jose Catral Mendoza.

Nakasaad sa nasabing arrest warrant ang paghuli ng mga otoridad kina Mayor Valera at isang PO2 Joseph Barreras dahil sa kasong murder na walang piyansa.

Gayunman, batay sa pagsasaliksik ng kampo ng mayor ay iba ang pangalan ng judge na kasalukuyang nakatalaga sa nasabing korte.

Napag-alaman na ang nakatalagang judge sa nasabing korte ay si Judge Janet Samar base sa master list ng incumbent judges ng RTCs sa bansa habang si Mendoza ay isang retiradong associate justice ng Korte Suprema na noon pang August 13, 2017 nagretiro mula sa serbisyo.