-- Advertisements --

Kinasuhan ng Office of the Ombudsman si dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio ng Usurpation of Official Functions kaugnay ng kontrobersyal na P1.4 billion property acquisition ng ahensiya.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, natanggap ng kanilang tanggapan noong Hulyo 7, 2026 ang resolusyon ng Ombudsman kung saan nakalagay dito na nilagdaan umano ni Ignacio ang contract to sell, at deed of absolute sale ng transaksiyon.

Inaprubahan din umano niya ang pagpapalabas ng pondo ng pamahalaan kahit wala umanong pahintulot mula sa OWWA Board of Trustees.

Ayon pa sa Ombudsman, kumilos si Ignacio na tila mayroon siyang kapangyarihan mula sa OWWA Board kahit batid niyang wala siyang awtoridad. Dahil dito, sinabi ng ahensiya na hindi lamang ito simpleng administrative non-compliance kundi isang paglabag na pasok sa krimen ng Usurpation of Official Functions.

Natukoy rin sa resolusyon na ang kawalan ng pag-apruba mula sa Board ay hindi lamang pagkukulang, kundi isang pag-iwas sa institutional oversight at transparency na itinakda sa OWWA Charter.

Samantala, ibinasura naman ng Ombudsman ang mga corruption complaint laban sa ilang dating opisyal ng OWWA at mga pribadong indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng lupa.

Sinabi ni Cacdac na magsusumite ang DMW ng Motion for Reconsideration upang hilingin sa Ombudsman na muling suriin ang mga naturang reklamo.