-- Advertisements --
1AFP

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na tuloy-tuloy ang kanilang pagbabantay sa ating bansa kasunod ng pagkamatay ng Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison noong Sabado.

Pero sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Acting Spokesperson Medel Aguilar na wala naman umano silang natatanggap na banta sa mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) hanggang sa ngayon.

Kasabay nito, pinawi ni Aguilar ang pangamba ng publiko sa posibleng pagkilos ng mga komunista ngayong namatay na ang kanilang leader.

Dagdag pa ni Aguilar, na sa katunayan ay maaari pang magbunga ng kapayapaan sa bansa ang naturang pagkamatay ng CPP Founding Chair.

Ito ay dahil karamihan sa mga miyembro nito ay unti-unti nang umaanib sa pamahalaan, upang makapagsimula nang muli ng kanilang bagong buhay.

Kaugnay nito, sa kabila ng pagkamatay ni Sison ay magpapatuloy ang AFP sa pagsusulong ng malawakang kapayapaan sa buong bansa.

Una rito, sinabi ng Department of National Defense (DND) na simbolo na ng pagbulusok ng hierarchy ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front ang pagpanaw ng founder nitong si Jose Maria Sison.

Ayon sa DND, binuo raw ni Sison ang grupo para ilagay ang kanyang sarili sa kapangyarihan.

Sinabi ng DND na napagkaitan ng oportunidad ang mga Pinoy na magkaroon ng hustisya sa pagkamatay ng puganteng si Sison.

Responsable raw si Sison sa pagkamatay ng libo-libong Pilipino sa ating bansa kabilang na ang mga inosenteng sibilyan, mga sundalo, pulis, mga bata at kabataang combatants na namatay dahil sa kanyang bidding.

Dahil dito, nanawagan ang DND sa mga natitirang naniniwala pa rin sa kay Sison na sumuko na ang mga ito at magbalik loob sa pamahalaan.

Marami pa rin kasi umanong mga nagbubulag-bulagan sa mga napakong mga pangako ni Sison na mga rebelde.

Wala rin umanong kinahantungan ang limang dekadang brutal at bloody aggression laban sa gobyerno.

Wala raw itong pinatungunan kundi ang pagkasira at alitan ng libo-libong mga Pilipino.

Mas maganda rin umano ang kinabukasan ng bagong era na wala si Jose Maria Sison.

Nawala rin umano ang malaking harang sa kapayapaan sa bansa kayat nararapat na bigyan ng tiyansa ang kapayapaan sa bansa.