Umaapela sa publiko si Pampanga Archbishop Florentino Lavarias na irespeto ang privacy ng mga pari at pamilya ng babae matapos ang kinasangkutan nilang iskandalo.

Kasunod ito sa pagkalat ng video ng komprontasyon ng lalaki sa pari dahil umano sa pakikipagrelasyon sa asawa nito.

Sa video na kuha ng anak na lalaki makikita ang galit na galit na ama sa harap ng pari habang tahimik lamang na nanonood ang misis nito.

Dala pa nito ang ilang bagahe na may laman na damit ng babae.

Sinira rin ng lalaki sa harap ng pari ang family picture nila.

Inakusahan kasi nito ang pari na sinamantala niya ang pagkakataon habang humihingi ng counselling ito sa kaniya.

Ayon kay Archbishop Lavarias, kaniya ng inalis ang pari at pinayagan na lamang niya itong magsagawa ng misa sa bahay nito.

Tiniyak naman ni Lavarias na kaniyang kakausapin ang dalawang partido para maliwanagan ang pangyayari.