TUGUEGARAO CITY – Nagsagawa ng “onsight feeding” ang Animal Kingdom Foundation (AKF) sa inabandonang mga hayop sa Batangas dahil sa pag-alburuto ng Bulkang Taal.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni AKF program director Atty. Heidi Caguioa na patuloy silang nagbibigay ng mga pagkain at malinis na tubig sa mga hayop na nasa mainland at mga sinagip naman ang mga nasa danger zone.

Marami na aniyang mga hayop ang namatay tulad ng mga kabayo, baka, kalabaw at baboy matapos na nalibing sa makapal na abo.

Kasunod ng ipinatutupad na lockdown, naka-antabay ang grupo upang maipagpatuloy ang rescue operations sa mga nalalabi pang buhay na hayop sa 14 kilometers radius danger zone ng nag-aalburutong bulkan.

Nanawagan din si Caguioa ng donasyon para sa pangangailangan ng mga hayop at maging ng mga evacuees.

-- Advertisement --

Maaari aniyang ipadala ang donasyon sa kanilang mga operation center.