LEGAZPI CITY – Nagpasalamat subalit hindi naiwasang magpatutsada ni Atty. Justin Batocabe, panganay na anak ng pinaslang na mambabatas, matapos mabalitaan ang pagsuko ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo.

Dakong alas-9:30 kaninang umaga nang sumuko kay Presiding Judge Maria Theresa San Juan Loquillano sa Legazpi Regional Trial Court Branch 10 ang alkalde na itinuturong mastermind sa pamamaslang kay Party-list Congressman Rodel Batocabe.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa nakababatang Batocabe, hindi pa rin umano nito mababago ang katotohanan na nagtago at tumakas sa loob ng ilang araw si Baldo matapos na maibaba ang arrest warrant.

Aniya, malinaw na indikasyon ito ng pagkakasala ng alkalde na nahaharap sa dalawang bilang ng kasong murder.

Nahaharap din ito sa kasong multiple attempted murder at illegal possession of firearms and ammunition.

Samantala, nasa Legazpi City District Jail na si Baldo habang mahigpit na seguridad naman ang ipinapatupad sa labas ng naturang jail facility.