-- Advertisements --

Itinutulak ngayon sa Kamara ang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang suporta at benepisyo sa mga qualified solo parents.

Layon ng House Bill No. 8097 na inihan ni Deputy Speaker Loren Legarda na amiyandahan ang Republic Act No. 8972 o ang Solo Parents’ Welfare Act of 2000 para matugunan ang mga pangangailangan ng mga solo parents sa bansa.

Sa panahon ngayon, iginiit ni Legarda na kailangan ang patuloy at pinalakas na polisiya para sa mga solo parents, bilang isa ang mga ito sa mga maituturing na vulnerable sectors sa bansa.

Layon ng panukala niyang ito na bawasan ang financial stress na pinapasan ng mga solo parents.

Nakapaloob sa panukala niya ang pagbibigay ng 10 percent discounts sa mga biniling basic needs ng kanilang mga anak.

Hangad ding bigyan sila ng VAT exemption sa damit, gatas, gamot, bakuna, basic school supplies, medical at dental services, bill sa kuryente at tubig, pamasaho sa mga pampublikong sasakyan, pamasahe sa eroplano at barko, services sa mga restaurants, recreational centers at mga hotels.

Prayoridad sa panukala ang probisyon na gagawad ng libre na medical at dental services sa lahat ng mga government facilities alinsunod na rin sa Universal Healthcare Act.

Hangad din na bigyan ang mga solo parents ng special discounts sa pagbili ng mga basic commodities, pero subject sa guidelines na ilalabas ng DTI at DA.

Bukod dito, layon ng panukalang ito na magkaroon ng child minding centers at ng Solo Parents Office sa bawat probinsya o lungsod at Solo Parent Division naman sa ilalim ng Municipal Social Welfare Office.