Binigyang-diin ng US Embassy sa Manila na nananatili ang kanilang posisyon sa pagkontra sa anumang iligal na pag-aangkin ng China sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ginawa ng embahada ang pahayag kasunod ng pagkalat ng mga larawan na nagpapakita sa bago at maayos na military bases sa artificial islands ng China.
Makikita rin sa mga larawan ang inaangkin na isla sa Mischief Reef, Subi Reef at sa Fiery Cross.
Kinumpirma na rin ng US Indo-Pacific Command na ang mga isla ay lalo pang naging military bases.
Kaugnay nito, nanawagan si Kanishka Gangopadhyay, spokesman ng embassy, dapat aniyang kilalanin ng China at sundin ang treaty obligations sa ilalim ng 1982 Law of the Sea Convention, gayundin ang legally binding decision ng Arbitral Tribunal na ipinanalo ng Pilipinas noong taong 2016.
Aniya, ang naturang ruling ay malinaw umanong nagbabasura sa paggigiit ng China na palawakin pa ang kanilang nasasakupan sa bahagi ng West Philippine Sea at ang iligal na mga maritime claims.