DAGUPAN CITY- Emosyunal na isinalaysay ng ama ng dalagang posibleng ginahasa muna bago pinatay sa Bonuan Blue Beach subdivision dito sa lungsod ng Dagupan ang mga huling sandali bago nila matagpuan ang katawan nito ilang metro lang ang layo mula sa kanilang tahanan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ginoong Bernard Saplan ama ng biktimang si Bernadeth Saplan, 18 anyos sinabi nito na dumalo ng debut ang kaniyang anak sabado ng hapon sa isang malapit na kaibigan.

Nagsabi pa umano ito na maagang uuwi kayat nag-alala sila nang alas otso ng gabi ay hindi pa ito dumadating.

Nang tawagan ang kaniyang cellphone ay isang lalaki na ang sumagot kung saan pinagmumura pa daw ito at sinabihang babarilin.

Dito na aniya sila nag-alala na may nangyaring hindi maganda sa anak. Bunsod nito ay humingi na sila ng tulong sa kinauukulan kung saan nakita sa CCTV na kuha malapit sa lugar na may isang lalaki ang humabol sa anak.

Kinaumagahan nang makita na ang katawan ng anak na wala ng buhay at nakababa na ang panloob nitong kasuotan.

Posible rin umanong doon na pinatay ang anak dahil doon na rin nakita ang mga gamit nito.