LEGAZPI CITY – Bagsak sa kulungan ang isang lalaki matapos na ireklamo ng panggagahasa sa kanyang sariling anak sa Brgy. Mapulang Daga, bayan ng Bacacay, Albay.

Kinilala ang nahuling suspek na si Leoncio Buendia Jr. 39-anyos na residente ng naturang barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Maj. Ryan Atanacio, hepe ng Libon PNP, mismong ang anak umano ng suspek ang nagreklamo laban dito matapos siyang pagsamantalahan ng limang beses.

Ayon kay Atanacio, matapos na isampa ang reklamo ay mahigit sa tatlong buwan rin na nagtago ang suspek sa barangay Caguscus sa bayan ng Libon kung saan ito nahuli.

Sa ngayon, nananatili pa ang suspek sa himpilan ng pulisya at nahaharap sa limang counts ng kasong Rape na walang nirerekomendang piyansa.