BACOLOD CITY – Nagpaliwanag ang bunso sa tatlong magkakapatid sa Sipalay City, Negros Occidental, kung bakit binaril nito ang kanilang ama na agad binawian ng buhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Col. Necerato Sabando, hepe ng Sipalay City Police Station, dead on the spot ang 39-anyos na si Jessy Obas ng Purok Manluy-a, Barangay San Jose, makaraang barilin ng kanyang bunso kahapon.

Bago ang krimen, tinadyakan umano ng ama ang kanyang anak sa bunganga at sinuntok pa.

Dito na kinuha ng walong taong gulang na bata ang .38 caliber revolver ng kanyang ama at binaril ang biktima sa dibdib ng makailang beses.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, palaging lasing ang biktima at sinasaktan nito ang kanyang mga anak.

Nang mangyari ang krimen, lasing din si Obas.

Ayon sa bunso na nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development, galit ito sa kanyang ama dahil sa kanyang ugali kaya kanyang binaril kahapon.

Lumalabas sa pag-usisa na tinuruan ng biktima ang kanyang mga anak kung paano gamitin ang kanyang baril, kaya alam ng batang suspek kung paano magpaputok.

Ang misis ng biktima ay nagtratrabaho sa Maynila.