Walang habas na pinagtataga ng isang ama hanggang mapatay ang kanyang mag-iina bandang alas-6:00 ng umaga kanina.

Naganap ang karumal-dumal na krimen sa sariling tahanan ng mga biktima sa Sitio Tinimbawan, Barangay Calunacon, San Andres, Romblon.

Kinilala ni Police Regional Office-4-B spokesperson P/Supt. Imelda Tolentino ang mga biktima na sina Mylene Talangan, 31-anyos na live-in partner ng suspek; mga anak na sina Emilyn Falceso, siyam na taong gulang na Grade 3 pupil; at Erwin James Falceso, 5, preparatory pupil.

Habang ang suspek na padre de pamilya ay nakilalang si Michael Forlaje Falceso, 33.

Batay sa spot report na nakuha ng Bombo Radyo, mula sa Philippine National Police Region 4-B, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang Raul Deluviar, kapitbahay ng mag-anak, at ini-report na pinatay ng suspek ang buong pamilya nito.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at nagtungo sa bahay ng mga biktima kasama ang mga barangay official para arestuhin ang suspek.

Pero bigla na lamang daw lumabas sa pintuan ang suspek bitbit ang isang bolo at sinalakay ang mga rumespondeng pulis.

Dahil dito, pinaputukan ni PO2 Eliton Casidsid ang suspek gamit ang kaniyang M16 rifle.

Isinugod pa ng mga pulis sa ospital ang suspek pero idineklarang dead on arrival ng kaniyang mga attending physician.

Batay sa pahayag ng mga testigo, bago ang madugong insidente ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa kaya lalong nagalit ang suspek at saka kumuha ng bolo at pinagtataga ang kaniyang mag-iina.