Tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na patas ang kanilang ginagawang imbestigasyon ngayon kay Philippine National Police (PNP) chief police Gen. Oscar Albayalde kaugnay ng kontroberysa sa mga tinaguriang “ninja cops.”

Isa kasi ang PNP sa mga attached agencies na nasa ilalim ng DILG.

Ayon kay Interior spokesperson Usec. Jonathan Malaya, hindi magiging balakid ang kanilang suporta kay Albayalde sa pagtutok sa kontrobersyang kinasasangkutan nito.

Tugon din umano ng ahensya sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“We support the PNP chief, but that doesn’t mean we will not make a fair and thorough investigation,” ani Albayalde.

“Therefore what we can promise the public is that the investigation will be fair and thorough.”

Tumanggi naman ang opisyal na magbanggit ng detalye ng pagsisiyasat, pero tiyak umanong iaanunsyo ni Sec. Eduardo Ano ang resulta nito pagbalik ng bansa mula Russia.

Nilinaw ng opisyal na hindi sakop sa imbestigasyon ng DILG ang 13 pulis Pampanga na binansagang “ninja cops.”

Paliwanag ni Malaya, parte pa rin ng regular function ng PNP ang imbestigasyon sa mga idinadawit na pulis bilang tugon sa internal cleansing program nito.

“The directive of the President was on the PNP chief. With regard to the ninja cops issue, that is part of the regular function of the PNP. They have their own internal cleansing program.”

Una ng sinabi ni Duterte na nasa kamay ng DILG ang kapalaran ni Albayalde kung mapapatalsik ito sa pwesto bago ang kanyang nakatakdang pagre-retiro sa susunod na buwan.