Sa pamamagitan na lamang daw ng pagdarasal tutulungan ni Ai-Ai delas Alas ang dating child actor na si Jiro Manio.

Si Jiro na anak-anakan ng 55-year-old comedianne ay naaresto nitong Biyernes dahil sa kasong frustrated homicide sa kanilang lugar sa Marikina City.

Ayon kay Ai-Ai o Martina Eileen sa tunay na buhay, “outdated” na siya dahil matagal na silang walang komunikasyon ni Jiro simula nang malaman niyang gumagamit ito ng marijuana kapag lumalabas mula sa isang drug rehabilitation center sa Bataan.

Dito na raw nasambit ng “Comedy Queen” sa sarili na nabalewala lang ang lahat ng kanyang effort para maibalik sa tamang landas ang “Magnifico” star.

“Ang magagawa ko po ngayon ay magdasal. At hinihingi ko rin po na ipagdasal natin siya. Na malinawan ang isip niya kung anuman po ang mangyari sa kanya ngayon. Na sana ay matuto siya sa lahat-lahat ng pinagdaanan niya sa buhay niya,” saad nito sa kanyang IG video.

Una rito, sinasabing sinalakay ni Manio ang isang Zeus Doctolero kung saan nasaksak niya ito ng tatlong beses.

Pero buwelta ng kampo ni Manio, mas nauna si Doctolero na nanghampas daw ng helmet.

Una nang kinupkop ni Ai-Ai ang dating child actor matapos na makita ito sa Ninoy Aquino International Airport na nagpapalaboy-laboy.

Nabatid na naiugnay ito sa iba’t ibang bisyo kaya halos mapariwara.