Kasabay ng unang Biyernes ngayong Hulyo, muli na ring binuksan sa publiko ang Quiapo Church sa Lungsod ng Maynila matapos ang dalawang linggong lockdown.

Alas-5:00 ng madaling araw kanina nang isagawa ang unang misa kung saan nilimitahan na lamang sa 10 katao ang pinapasok alinsunod sa patakaran ng Inter-Agency Task Force.

Habang ang mga hindi na pinapasok sa simbahan ay nagtiyaga na lamang sa labas sa kasagsagan ng misa at inobserba pa rin ang physical distancing.

Nabatid na simula June 19 nang isailalim sa lockdown ang nasabing Minor Basilica ng Black Nazarene kasunod ng pag-positibo ng isang pari roon sa coronavirus.

Una rito, nasa 80 empleyado ang inabisuhan na sumailalim sa quarantine kahit na nagnegatibo ang lahat sa rapid antibody test.

Nabatid na nakarekober na rin ang paring dinapuan ng deadly virus.