Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na makaka survive sila kahit terminated na ang VFA at wala ng tulong mula sa US.

Sinabi ni AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, kayang kaya na ng AFP harapin ang mga banta sa national security, banta ng terorismo at iba pang transnational crimes.

Idedepensa aniya nila ang sambayanan sa anumang banta sa paraang alam nila at kung anong meron sila ngayon.

Kaugnay nito wala namang komento ang AFP kung madadagdagan ang pondo ng AFP para sa kanilang AFP modernization program dahil sa pagkawala na ng Visiting Forces Agreement.

Sinabi ni Arevalo, susunod lamang sila sa kung ano ang magiging desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isyu.

Paliwanag ni Arevalo taong 1991 hanggang taong 1998 nang mahinto rin noon ang Military Bases Agreement pero sa mga taong wala ito ay nahirapan ang AFP pero naka survive naman hanggang sa mapirmahan na ang Visiting Forces Agreement.