Hindi pa umano nakakabalik ng bansa ang ilan sa mga National Democratic Front (NDF) consultants na nasa abroad na bahagi ng negotiating panel.

Ito ay batay sa monitoring ng Armed Forces of the Philippines.

Tumanggi naman ang AFP na sabihin kung ano na ang estado hinggil sa kanilang isinasagawang monitoring sa 21 NDF consultants na pinaghahanap na sa ngayon.

Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Marine Col. Edgard Arevalo, wala pa silang maibabahagi sa media kaugnay sa kasalukuyang lokasyon ng mga ito pero nakatutok ang militar sa mga ito.

“We are pursuing with our monitoring, we are pursuing with our effort to locate them so that when the process is already being observed then we will be able to execute and implement the arrest,” wika ni Arevalo.

Binigyang diin naman ni Arevalo na wala pa silang natatanggap pa na go signal para arestuhin ang mga consultants kabilang ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon.

Hindi naman masabi ni Arevalo kung ilang NDF consultants na ang nasa bansa at ilan pa ang nasa abroad.

Makakatuwang aniya ng militar ang PNP sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa mga ito.

Paliwanag ni Arevalo, sa ngayon ay may sinusunod silang proseso ng korte.

Sa ngayon, wala pang hawak na warrant of arrest ang AFP para sa 21 NDF consultants.

Napag-alaman na hiniling ng Solicitor General sa korte na kanselahin ang piyansa laban sa mga ito.

“Let the solicitor general perform his mandate and his obligation with regard to the legal matters, sa amin sa AFP we have the process to look after we have the process to observed,” pahayag ni Arevalo.