Kinumpirma ng Department of National Defense (DND) na bibili na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng submarines bilang bahagi ng capability upgrade.

Ito’y matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ikalawang yugto o second horizon ng AFP Modernization Program.

Tumanggi naman si Defense Spokesman Arsenio Andolong na tukuyin kung ilang submarine ang kanilang bibilhin pero sinabing higit umano ito sa isa.

Una nang inihayag ng mga opisyal ng Philippine Navy ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga submarine.

Kasalukuyang bumubo na ang Philippine Navy ng “submarine group” sa ilalim ng AFP Horizon 2 project at inihahanda na rin ang kanilang mga sailors kung paano gumamit ng underwater warship sa pamamagitan ng pagpapadala sa mga ito sa kanilang mga counterpart sa ibayong dagat.

Ayon kay Andolong na ang pagbili ng mga submarine ay isa sa mga prayoridad ng Philippine Navy kaya mula sa Horizon 3 ay inilipat ito sa Horizon 2 upang mapabilis ang procurement .

Una nang kinumpirma ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang planong pagbili ng submarine ng AFP sa ilalim ng Horizon 3 kung saan pinagpipilian nila ang South Korea, Russia at iba pang mga bansa.