Sulu encounter AFP

Kapwa umapela ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa publiko na huwag ng palakihin pa ang insidente sa Jolo, Sulu hinggil sa pagkakapatay ng mga pulis sa apat na sundalo.

Lalo na ngayong gumugulong na ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa pagpatay sa dalawang army officer at dalawang enlisted personnel kahapon.

Napagkasunduan na rin kasi ng PNP at AFP na NBI ang mag imbestiga sa kaso para masiguro ang patas imbestigasyon at lumabas ang katotohanan.

Ayon kay AFP spokesperson M/Gen. Edgard Arevalo nais nina PNP chief Gen. Archie Gamboa at AFP chief Felimon Santos na huwag ng palakihin ang kaso at hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon.

Nagpasalamat naman ang AFP sa PNP dahil sa pag dis-arma nito sa mga sangkot na pulis at ngayon ay isinailalim na sa restrictive custody.

Una rito, agad na nakipag-ugnayan si PNP chief kay Gen. Santos nang mabatid nito na nagkaroon ng shootout na kinasasangkutan ng kaniyang mga tauhan.