-- Advertisements --
julian

Kinumpirma ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana na nagpulong na ang militar sa pangunguna ni AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Erickson Gloria at ang Chinese Defense Attache to the Philippines para pag-usapan ang sitwasyon sa Julian Felipe Reef kung saan nasa 183 Chinese maritime militia vessels ang namataan noong Martes.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana kaniyang sinabi, layon ng nasabing pulong ay para alamin ang panig ng China kaugnay sa presensiya ng mga Chinese vessels sa lugar.

Sa naturang pulong binigyang-diin ng AFP ang naging direktiba ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na paalisin ang mga nasabing barko na iligal na pumasok sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas dahil malinaw na paglabag ito sa maritime rights ng bansa.

Batay naman sa naging paliwanag ng kanilang Chinese counterpart, na hindi minamanduhan ng mga Chinese militia ang mga nasabing barko, bagkus sumilong lamang ang mga ito dahil masama ang panahon.

Ayon kay Sobejana, ang pulong ng AFP at ng kanilang Chinese counterpart kahapon ay bahagi ng mga hakbang na ginagawa ngayon ng militar para resolbahin ang isyung Chinese incursion sa Julian Felipe Reef.

AFP chief of staff Cirilito Sobejana 1

Binigyang-diin din ni Sobejana na katuwang nila ang Department of Foreign Affairs (DFA) at National Task Force West Philippine Sea para tugunan ang nasabing isyu.

Sinabi ni chief of staff may dalawang paraan para tugunan ang isyu sa Julian Felipe Reef, una “through military means” at pangalawa sa pamamagitan ng diplomatic approach.

“Katuwang naman natin dito sa pagproteksiyon sa ating territorial waters ang DFA, may dalawang paraan kung paano natin malutas ang problema through military means saka yung diplomatic approach. So, ‘yung DFA are doing their part as well, ” pahayag pa ni Sobejana sa Bombo Radyo.

Binigyang-diin ni Sobejana, ayaw nilang humantong sa isang “confrontational situation” ang isyu sa Julian Felipe Reef.

“Well we don’t want to be confrontational anne, we wanted to preserve the policy declared by our president we want to be friends to everyone and enemy to no one,’ dagdag pa ng chief of staff.

Kinokonsidera rin ng AFP ang pangamba ng ilang mga security expert na ang ginagawa ngayon ng China ay isang istratehiya para masakop ang Julian Felipe Reef, kahalintulad sa ginawa nila noong 2012 na sinakop ang Scarborough Shoal.

Ang mga barko na namataan sa Whitsun Reef ay siya ring mga barko noon na namataan na paligid nga Panatag Shoal na ngayon ay kontrolado na ng Beijing.

“Yun ang ating tuloy tuloy na ina-assess… inimbitahan natin ang defense attache ng China dito sa Pilipinas at nagpulong kaya inatasan ko yung Vice chief of staff na pangunahan yung meeting sa counterpart natin sa Chinese Armed Forces,” wika pa ni Sobejana.

Siniguro ni Sobejana, na hindi nito papayagan na muling masakop ng China ang isa pang teritoryo ng bansa gaya ng ginawa nila nuon sa Scarborough Shoal.

Pinalakas pa ng AFP Western Command ang kanilang pagpapatrulya sa West Philippine Sea ngayong dinagdagan pa ang mga navy vessels na magsasagawa ng maritime patrols lalo na sa may bahagi ng Julian Felipe Reef.

Tumanggi naman si Sobejana na sabihin kung ano-anong mga barko ang kanilang idi-deploy sa West Philippines Sea, pero may posibilidad na ipadala sa lugar ang bagong frigate ng Philippine Navy.

“Alam mo Anne, hindi ko na idetalye kung anong mga klaseng barko yung ideploy natin diyan at for obvious reason basta we are enahancing maritime capability in the Western Command AOR,” dagdag pa ni Sobejana sa Bombo Radyo.