Binago na ang nine-member Commission on Elections (Comelec) Advisory Council bilang paghahanda sa 2022 national at local elections.

Sa isang pahayag, sinabi ng poll body na ang miyembro ng advisory body ay dapat rehistradong botante ng bansa at killala sa kaniyang pagiging independent, competent at probity na kinakailangan naman alinsunod sa batas.

Magiging de facto chairman ng council si Secretary Gregorio Honasan II ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Nagmula naman sa academe, non-government electoral reform organizations, ICT professional organizations at piling ahensya ng gobyerno ang magiging miyembro nito.

Binubuo ito nina Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Brenda L. Nazareth-Manzano at Department of Education (DepEd) Undersecretary Alain del Pascua bilang representative mula sa gobyerno.

Si Dr. Jan Micahel Yap naman mula sa University of the Philippines ang representative mula sa academe, Isabelita Ojeda mula saInformation System Audit and Control Association (ISACA) Manila Chapter, Atty. Samuel Matunogas mula sa National ICT Confederation of the Philippines (NICP), at Jonathan D. de Luzuriaga mula sa Philippine Software Industry Association (PSIA), ang mga representatives mula sa ICT organizations.

Samantala, si Dr. William Emmanuel S. Yu naman mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), at Angel S. Averia, Jr. mula sa National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel), ang mga napiling representatives para sa non-government electoral reform organizations.

Alinsunod sa Republic Act 9369 o Automated Election Law, tungkulin ng mga ito na irekomenda ang pinaka-maayos, applicable at cost-effective technology na gagamitin sa automated election system (AES).

May kakayahan din itong magbigay ng abiso at tulong pagdating sa pagpapatupad ng automated election system.