Sumailalim na sa inquest proceedings ang aktor na si Kenzo Gutierrez o Karlos Lorenzo Gutierrez sa tunay na buhay, matapos masangkot sa gulo sa Makati City.

Nangyari ang insidente sa Pasong Tamo Extension, Barangay Magallanes, ganap na ala-1:20 ng madaling araw.

Ayon kay Maj. Gideon Ines, director ng Makati City Police Station Crimes Against Person Section, nakatanggap ang pulisya ng tawag ukol sa awayan na nangyayari sa nasabing lugar, kaya rumisponde ang dalawa nilang tauhan.

Pero sa pagresponde nina PSSG Allan Agbayani at PCPL Jonathan De Guzman Jr. ng Makati police community precinct 4, pinagmumura umano ang mga ito ni Gutierrez at hinamon pa ng suntukan.

Dahil dito, inaresto ang aktor at sinampahan ng reklamo.

Si Kenzo ay lumabas na sa drama anthology series at iba pang progrma sa telebisyon.

Naging laman din siya dati ng mga showbiz news nang maiugnay kay Julia Barreto, ngunit mismong ang aktres na ang nagsabing wala itong katotohanan.