Inanunsyo ni House Committee on Appropriations chairman Eric Yap na nagpositibo siya sa COVID-19.

Sa isang statement, sinabi ni Yap na Marso 15 siya nang magpakuha ng COVID-19 test at nitong araw lamang niya nakuha ang resulta nito at natukoy na siya ay positibo sa naturang sakit.

“Inis at galit ang naramdaman ko dahil alam ko sa sarili ko na maaaring nailagay ko sa alanganin ang buhay ng mga taong nakapaligid sa akin,” ani Yap, 10-araw matapos makuha ang resulta ng kanyang COVID-19 test.

Minabuti na raw at magpa-test matapos na ma-expose sa iba’t ibang tao na may exposure din sa ibang napabalitang nag positive sa COVID-19 at makaranas ng akala niya ay normal lamang na pag-ubo.

Dumalo pa si Yap sa pagdinig ng kanyang komite noong Marso 10 hinggil supplemental budget sa DOH laban sa COVID-19 pandemic.

Pumunta pa raw siya sa isang pagpupulong noong Marso 21 sa Malacanang nang ‘di alam resulta nang pagsusuring isinagawa sa kanya.

Nitong Lunes lamang, Marso 23, dumalo rin ito sa Special Session ng House of Representatives at personal pang nag-sponsor sa House Bill 6616.

Humihingi ng patawad at pag-unawa si Yap mula sa mga taong nakasalamuha niya sa mga araw na hinihintay niya ang resulta ng kanyang COVID-19 test.

Kasabay nito ay umaapela rin ang kongresista sa publiko na sundin ang safety protocols ng pamahalaan lalo na ang pananatili sa loob ng bahay.

“Wala pong kinikilalang pulitika, kapangyarihan, o kayamanan ang sakit na ito. Pantay pantay po tayong lahat. Kung gusto nating sugpuin ang pagkalat ng virus, kinakailangan na magkaisa tayo. Sama sama, kaya natin ito,” wika ni Yap.