Tumipa ng 23 points si Simon Enciso, na dinagdagan naman ng 20 ni Chris Banchero upang manguna sa 104-78 pagtambak ng Alaska Aces kontra sa Barangay Ginebra nitong Linggo sa PBA Philippine Cup na ginanap sa Ynares Center, Antipolo City.

Nanggaling kina Enciso at Banchero ang unang pitong puntos ng laro upang ilagay ang Aces sa unahan at hindi na maisahan pa ng Kings.

Nakakuha rin ng suporta ang dalawa sa solidong ambag nina Carl Bryan Cruz at Ping Exciminiano na kapwa nagtapos na may 12 points.

Bunsod nito, gumanda na sa 3-2 ang baraha ng Aces na nasa ikatlong puwesto na ngayon sa standings.

Ang tila matamlay namang Ginebra ay nalaglag sa 3-3 kartada, dahilan para magwakas na rin ang kanilang two-game winning streak.

Narito ang mga iskor:

Alaska 104 – Enciso 23, Banchero 20, Cruz 12, Exciminiano 12, Ayaay 9, Thoss 8, Pascual 8, Teng 7, Galliguez 5, Baclao 0, Andrada 0.

Ginebra 78 – J. Aguilar 17, Thompson 15, Slaughter 15, Tenorio 11, Caguioa 7, Dela Cruz 4, Ferrer 3, Mercado 2, Devance 2, Mariano 2, Chan 0, Caperal 0.

Quarters: 27-19; 53-24; 81-53; 104-78.