CJ CHIEF JUSTICE DIOSDADO PERALTA

Sa kabilang ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na kinahaharap ng bansa, ipinagmalaki pa rin ng Supreme Court (SC) na marami silang accomplishments at tuloy-tuloy ang kanilang trabaho sa hudikatura.

Ito ang sinabi ni Chief Justice Diosdado Peralta kasabay ng ika-119 na anibersaryo ng Korte Suprema ngayong araw.

Sa kanyang kauna-unahang videoconference sa media na may temang “Moving Justice Beyond the Pandemic” sinabi ni Peralta na kabilang na sa kanilang accomplishment ang 1,350 na korteng nagsasagawa na ng videoconferencing sa mga korte dahil na rin sa pandemic.

Aniya dahil dito ay 22,522 na ang bilang ng mga napapalayang persons deprived of liberty (PDLs) na nalalagay sa alanganin ang sitwasyon ngayong panahon ng pandemic dahil sila ay mga tinatawag na most vulnerable.

Noong Hunyo 1 ay pormal nang bumalik sa trabaho ang mga empleyado ng SC para gampanan ang kanilang mga trabaho.

Dahil dito, nag-install ang ang Korte Suprema ng multi-functional disinfection chamber dahil na rin sa karamihan sa mga empleyado ng SC ay mga seniors at most vulnerable sa covid.

Kabilang nga sa mga sumalang sa rapid test sa SC ang mahigit 2,700 na empleyado. 

Ayon sa mahistrado, sa naturang bilang tatlo lamang ang nag-positibo sa rapid test at kalaunan ay nag-negatibo rin sa isinagawang confirmatory o swab test.

Dahil dito, tuloy-tuloy naman ang kanilang pagsunod sa health protocols para walang madapuan na empleyado ng nakamamatay na sakit.

Kabilang din ang paglalagay ng acrylic dividers sa kuwarto kung saan ginaganap ang En Banc session upang mapairal ang physical distancing, lalo’t pawang mga senior citizen ang mga mahistrado.