-- Advertisements --

Nakabantay ang Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Coast Guard (PCG) sa posibleng pananamantala ng mga fixer sa daan-daang libong mga pasahero ngayong Undas, ayon kay PPA Spokesperson Eunice Samonte.

Sa katunayan aniya, mayroong kasalukuyang iniimbestigahan ang PCG na insidente ng fixing na unang nangyari sa Batangas Port kamakailan, kung saan ang mga sangkot na personalidad ay nahaharap sa patong-patong na kaso.

Ang mga ito ay nangpanggap aniya na nagbebenta ng lehitimo at mas murang ticket sa mga pasaherong uuwi sa probinsiya.

Ini-aalok din umano ng mga ito ang mas murang ticket ngunit kapag pumayag nang bumili ang mga pasahero, mas mataas na presyo ng ticket ang kanilang ibebenta, lalo na sa mga nagnanais talagang makauwi o makabiyahe.

Ngayong 2026 Undas, pinipigilan aniya ng PPA at ng PCG na mangyari ang kahalintulad ding insidente upang hindi mabiktima ang mga biyahero.

Sa ngayon, ayon kay Samonte, wala pa naman aniyang naitatala o natatanggap na sumbong ukol sa katulad na insidente.

Sa kabuuan ng Undas, inaasahan ng PPA na aabot sa 1.93 million pasahero o mas higit pa ang magtutungo sa mga pantalan upang bumiyahe.

Maari rin aniyang madagdagan o mabawasan ito, ngunit nakahanda ang mga pantalan na tanggapin at i-accommodate ang mga biyahero mula sa pagsisimula ng Undas hanggang sa pagbabalik ng mga ito sa Metro Manila, atbpang malalaking syudad.

Ang 1.93 million na projection ngayong taon ay halos dalawang porsyento na mas mataas kumpara sa actual na naitala noong nakalipas na taon.